Ang Pagsasa-kawaii ng Paggawa/Manggagawa sa “Aggressive Retsuko”

  • Cris Lanzaderas
Keywords: manggagawa, kulturang popular, kawaii, anime, Sanrio, Aggretsuko

Abstract

Matagal nang naging bahagi ng buhay ng mga Hapon ang kawaii o cute culture bagama't ang konseptong ito ay naging higit na popular lamang sa simula ng 70s hanggang 90s. Gayunpaman, dahil ang paglikha at pagkonsumo ng mga produkto ay nauugnay sa kulturang ito, nagbago ang anyo at porma nito upang umangkop sa mga konsyumer. Halimbawa, naging kapansin-pansin ang paglikha ng Sanrio, isang kompanyang nakasentro sa produksyon ng kawaii, ng mga karakter na tumutugon sa nagbabagong panlasa ng mga manonood at tagatangkilik nito. Kaugnay nito, nilalayon ng papel na ito na bigyang-kahulugan ang kawaii, ilarawan ang kasaysayan nito at ipakita kung paano ginamit ang konsepto/kulturang ito para mapasok ng Sanrio ang isang merkado na hindi nito target noon – ang mga manggagawa. Kakasangkapanin naman ang anime series na Aggressive Retsuko o Aggretsuko (2018-2023) at mga tauhang tampok sa palabas na ito upang maipakita ang pangangapital ng nasabing kompanya sa imahen ng kawaii at sa imahen ng inaaping kawani. Lumilitaw na bagama't ang palabas ay naglalayong katawanin ang realidad ng higit na nakatatandang manonood at konsyumer, isinusulong lamang din ng serye ang pagpapanatili ng relasyong pyudal sa pagitan ng mga manggagawa at kawani sa likod ng mapaglaro at kakaibang mundo ng kawaii.

Published
2024-06-07